Inaprubahan na ng South Korea ang isang batas na nagbabawal sa paggamit ng mobile phones at iba pang digital gadget sa mga silid-aralan sa buong bansa simula sa Marso sa susunod na taon.
Layunin ng batas na tugunan ang lumalalang epekto ng labis na paggamit ng mga kabataan sa social media.
Suportado ito ng dalawang partido sa parliament kung saan nga ay inihain ang naturang batas sa gitna ng pangamba sa ”adiction” ng mga kabataan sa social media.
Ayon kay Cho Jung-hun, isang mambabatas mula sa oposisyon at co-author ng panukala, maraming kabataan umano sa bansa ang nagpupuyat gamit ang mga platform sa social media tulad ng Instagram, kaya’t nagiging problema aniya ito sa kalusugan at sa kanilang pag-aaral.
Batay kasi sa datos ng Education Ministry, 37% ng mga estudyante sa middle at high school ang nagsabing naaapektuhan ng social media ang kanilang pang-araw-araw na buhay, habang 22% naman dito ang nakakaramdam ng matinding pagkabalisa kapag hindi makagamit ng social media.
Bagama’t maraming paaralan sa bansa ay may sarili nang patakaran tungkol sa cellphone use, itinatakda ng bagong batas ang opisyal na pagpapatupad nito sa buong bansa.
Papayagan pa rin ang paggamit ng digital devices para sa mga estudyanteng may kapansanan o para sa mga layuning pang-edukasyon na lamang.
Samantala, ilang youth advocacy groups ang tumutol sa batas, at sinabing maaaring labagin nito ang karapatang pantao ng mga bata.