-- Advertisements --

NAGA CITY – Magkakatulong ngayon ang mga awtoridad lalo na ang Philippine National Police (PNP) at Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa pagpatay sa dalagang si Irish Mae Payonga, 18-anyos, residente ng Brgy. Marupit, Camaligan, Camarines Sur.

Mababatid, una nang naiulat na nawawala ang biktima noong Oktubre 28, 2022. Habang kagabi naman, nang mabulabog ang mga residente ng Brgy. Cadlan, Pili sa naturang lalawigan ng matagpuan sa masukal na bahagi ng lugar ang wala nang buhay na katawan ng dalaga na nasa state of decomposition na.

Sa panayam kay PMaj. Maria Victoria Abalaing, tagapagsalita ng Camarines Sur Police Provincial Office, sinabi nito na maliban sa hawak nilang person of interest sa krimen na una nang kinilala na si Reymark Belleza, 18-anyos, residente rin ng Cadlan, Pili, Camarines Sur, mayroon pa umano silang ibang persons of interest na nakuhanan na rin ng statement.

Samantala, nilinaw naman ng opisyal na ang naturang kaso ang maituturing na isolated case.

Ngunit maliban sa naturang biktima, mayroon pang naiulat din na nawawalang 15-anyos na dalagita sa bahagi naman ng Nabua, Camarines Sur.

Sa ngayon, paalala na lamang nito sa lahat na mahigpit ang gawing pag-iingat para maiwasan ang ganitong mga insidente.