-- Advertisements --

Na-detain ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE) si Khaby Lame, isa sa mga kinikilala sa social media platform na TikTok bilang isang content creator, matapos umano’y mag-overstay sa United States.

Ayon sa ICE, si Lame, ay hinuli noong Hunyo 6 sa Harry Reid International Airport sa Las Vegas, Nevada, ngunit pinalaya rin sa parehong araw at pinayagang umalis ng kusa sa Amerika.

Nabatid na dumating si Lame sa U.S. noong Abril 30, ngunit lumampas umano ang itinakdang panahon para manatili ito sa U.S. pero batay sa mga awtoridad umalis din daw ng bansa si Lame.

Matatandaang kilala si Lame sa kanyang mga tahimik ngunit nakakatawang TikTok videos na pumupuna sa mga kumplikadong “life hacks.”

Mayroon siyang mahigit 162 milyong followers at kumikita ng tinatayang $16.5 million mula sa mga endorsements sa pagitan ng Hunyo 2022 at Setyembre 2023, ayon sa Forbes.

Sa kabila ng mga insidente, wala pang inilalabas na pahayag si Lame sa kanyang social media accounts.