Nasa kustodiya na ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE) ang isang Pilipino matapos maaresto sa Jersey City, New Jersey dahil sa isang traffic violation.
Kinumpirma ito ng Philippine Consulate General sa New York at sinabing kasalukuyang nakadetine ang Pinoy sa isang ICE detention facility sa Elizabeth, New Jersey.
Hindi muna inilabas ng Konsulado ang pangalan at iba pang detalye tungkol sa kaniyang pagkakakilanlan dahil hiniling ng pamilya na manatiling pribado ang kaso.
Ayon kay Consul General at Ambassador-designate to Cambodia Senen Mangalile, taga-Cebu ang inarestong Pilipino.
Agad na dinalaw ng mga kawani ng Assistance-to-Nationals (ATN) section ng Konsulado ang Pinoy matapos silang abisuhan ng US Department of Homeland Security.
Sinabi ni Mangalile na nasa mabuting kalagayan at maayos ang kondisyon ng Pilipino. May sarili na rin umano itong abogado para sa kaniyang immigration case.
Ayon sa opisyal, patuloy na minomonitor ng Konsulado ang kaso at handang magbigay ng tulong kung kinakailangan.
Batay sa impormasyong ibinigay sa Konsulado, matagal nang nakatira sa Estados Unidos ang Pinoy at unang pumasok sa bansa ilang dekada na ang nakalilipas gamit ang athlete visa sa ilalim ng Gintong Alay sports program.
Samantala, iniulat din ng Konsulado na nakatulong ito sa pagpapauwi sa Pilipinas ng dalawang Pilipino na humingi ng tulong.
Isa sa kanila ay biktima umano ng mapang-abusong relasyon, habang ang isa naman ay turistang wala nang sapat na pera para makauwi.
Humingi ang Konsulado ng pondo mula sa Department of Foreign Affairs para sa kanilang plane tickets at nakipagtulungan sa iba pang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang kanilang ligtas na pag-uwi.
Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye ang Konsulado tungkol sa tatlong Pilipino bilang pagrespeto sa kanilang privacy.














