-- Advertisements --
cropped SSS office

Bubuksan ng Social Security System (SSS) para sa mga miyembro at pensiyonado na naapektuhan ng bagyong Karding ang Calamity Loan Assistance Program (CLAP) at Three-Month Advance Pension.

Ani ni SSS President at CEO Michael Regino na ang mga ito ay bukas para sa mga miyembro ng SSS at mga pensiyonado na naninirahan sa mga lugar na idineklara sa ilalim ng state of calamity ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Idinagdag ni Regino na ang inisyatiba ay “bilang tugon sa iniwang danyos na dulot ng Super Typhoon Karding.”

Sa ilalim ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP), sinabi ng state-run pension fund na “ang mga miyembro ay maaaring mag-avail ng loan na katumbas ng average ng kanilang huling 12 buwanang salary credit o ang halagang kanilang inaplayan, alinman ang mas mababa.”

Samantala, ang halagang maaaring ma-avail mula sa Three-Month Advance Pension ay ibabase sa kung magkano ang makukuha ng pensioner kada buwan.

Ang aplikasyon para sa CLAP ay gagawin sa pamamagitan ng My.SSS Portal kaya ang mga interesadong aplikante ay pinayuhan na i-enroll ang kanilang account sa online portal.