-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Patuloy pa rin ang matagal nang nararanasang smuggling ng mga produktong agrikultura sa bansa na nakakaapekto sa mga magsasaka sa rehiyon ng Cordillera.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Hi-Land Farmers Multipurpose Cooperative Manager Agot Balanoy na magmula noong nagkaroon ng caretaker na congressman ang Benguet ay hindi umano natutugunan ang reklamo ng mga magsasaka sa naturang lalawigan.

Maging ang kanilang gobernador at mga punong bayan sa Benguet ay hindi raw tumutulong upang matugunan ang kanilang reklamo sa mga smuggling ng mga gulay pangunahin na sa mga produktong carrots.

Ang naturang mga opisyal ay inaalaman din naman ang kanilang mga reaksiyon sa naturang alegasyon.

Samantala, inihayag pa ni Balanoy na nagreklamo na rin sila sa DA at magtutungo si Asst. Secretary Federico Laciste ng DA sa Benguet upang makipagdayalogo sa mga magsasakang naapektuhan ng smuggling.

Sinabi ni Balanoy na bukod sa carrots at mayroon ding smuggled na Luya, Broccoli, bawang at sibuyas na mayroong nakalagay na product of China.

Lantaran na ang mga smuggled vegetables na galing China kayat patuloy pa rin ang pagkalugi ng mga magsasaka na nagtatanim ng mga nabanggit na gulay.

Sa Sariaya, Quezon na nag-o-order sa kanila ng mga gulay ay apat na araw nang walang order sa kanilang kooperatiba.

Sa halip anya na mag-order sa kanila ang mga dating bumibili ng kanilang mga panindang Baguio vegetables ay mas pinipili nang bumili ng mga smuggled na gulay dahil sa bukod sa mura ay hindi madaling masira.

Dapat anyang tumugon sa kanilang reklamo ay ang binuong Inter-Agency Task Force kasama ang Bureau of Customs, DTI at DA na huling gumalaw noong pang September 2021 at Pebrero, 2022.