Patuloy pa na pinaghahanap ng mga pulis ang Sangguniang Kabataan (SK) Federation President ng San Miguel, Iloilo na itinuturong suspek sa pamamaril sa Barangay San Jose ng nasabing bayan.
Ang suspek ay si Mikhail Tadifa, 24, residente ng Barangay 11 samantala, ang biktima ay si Dyezrelle Malaygay, 30, residente ng Barangay San Jose.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Sullen Domingo, hepe ng San Miguel Municipal Police Station, sinabi nito na nagkasagutan ang suspek at biktima sa social media dahil sa schedule ng basketball tournament.
Lumalabas sa imbestigasyon ng kapulisan na naghamun na magkikita sa Barangay San Jose.
Sakay ng motorsiklo, pinuntahan ng SK president ang biktima sa kanilang barangay, nagkasagutan at binaril ang biktima.
Maswerte na hindi napuruhan ang ulo ng biktima na kasalukuyang nasa ospital.
Na-recover sa crime scene ang isang slug ng hindi pa nakikilalang baril.
Ayon pa kay Domingo, hindi na ma-contact pa ng pamilya ang suspek.
Sa record ng kapulisan, ang SK president ang nasangkot rin sa illegal gambling activity sa bayan kung saan, nagpapatuloy pa sa ngayon ang paglilitis.
Nananawagan naman ng hustisya ang pamilya ng biktima.