LEGAZPI CITY – Ikinadismaya ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Sweden ang mistulang normal na sitwasyon sa bansa sa kabila ng tumataas na bilang ng mga sa coronavirus cases sa lugar.
Batay sa pinakahuling tala, mahigit 14,000 na ang positibong kaso ng COVID-19 subalit wala pa umanong ipinatutupad na lockdown.
Salaysay ni Zen Formento, OFW sa Sweden, suspendido na ang pasok sa kolehiyo subalit nananatiling normal ang pasok ng mga nursery at elementary students.
Regular rin aniyang nakakalabas ang mga residente kung kailan naisin.
Dagdag pa ni Formento na tampulan ng tingin at pinagtatawanan pa ng ilang residente ang mga nagsusuot ng face mask.
Paliwanag nito na kani-kaniyang pag-iwas sa sakit ang ginagawa ng mga residente kung saan nag-abiso lamang ng social distancing ang gobyerno.
Depensa naman aniya ni Prime Minister Stefan Löfven, malaki umano ang magiging epekto nito sa ekonomiya ng bansa kung magpapatupad ng lockdown.
Tuloy naman ang distance learning ng mga estudyante hanggang sa matapos ang school year.