Kasalukuyan nang nagsasagawa ng backtracking ang Special Investigation Task Group 990 para alamin ang pinagmulan ng 990 kilo na ilegal na droga na nasabat ng mga otoridad mula sa lending firm na pag-aari ni dating PMSG Rodolfo Mayo Jr.
Ayon kay PNP-PIO Chief PCol Redrico Maranan, layunin nito na alamin ang kung ang sangkaterbang droga na ito ay paunti-unting inipon o dinala sa naturang lugar ng isang bagsakan.
Pag-amin ni Maranan, sa ngayon ay hindi pa makumpirma kung ang mga ito ay mula sa mga kinupit na droga sa iba’t ibang operasyon na isinagawa ng mga sangkot na pulis.
Una nang sinabi ni PNP Spokesperson PCol Jean Fajardo sa hiwalay na pahayag na bukod sa isinasagawang pagbubusisi ng National Police Commission sa naturang kaso ay tuluy-tuloy pa rin ang isinasagawang pagsisiyasat ng SITG 990.
Samantala, kaugnay nito ay inirekomenda na rin ng SITG990 na magsagawa ng background at lifestyle check sa mga tauhan ng PNP Drug Enforcement Group kasabay ng pagtutok ng PNP sa pagsasampa ng kaso laban sa 49 na pulis na kabilang sa mga isinasangkot ngayon sa naturang kaso.