-- Advertisements --

CENTRAL Mindanao – Sa ikalawang sunod na taon, isinagawa ang simple pero makabuluhan na Sinugba Festival sa Midsayap, Cotabato na bahagi ng selebrasyon ng ika-85 anibersaryo ng pagkatatag ng bayan.

Ito ay sa kabila ng pandemya dulot ng Coronavirus Disease (COVID-19).

Nagsama-sama ang iba’t ibang pribado at pampublikong sektor sa inilatag na mga aktibidad.

Kabilang sa mga ito ay ang Zumba sa Plaza kung saan sabay-sabay na umindak ang daang mga lumahok.

Nabalot naman ng usok ang buong Municipal Plaza nang magsimula na ang Sinugba Cook-off Competition.

Kaugnay nito, ilang mga residente ng bayan ang nakilahok pa din sa Sinugba Festival kahit pa man na nasa kani-kanila lamang itong mga tahanan o ang Sugbahan sa Kabalayan.

Kanya-kanya ding ‘share’ sa social media ang mga netizens ng kanilang nami-miss na kaganapan sa Sinugba Festival.

Kung matatandaan, wala pa ang pandemiya, ay ipinagdiriwang ang Sinugba Festival na may helera ng sugbahanan mula Poblacion 8 hanggang sa Poblacion 4 kung saan sabay-sabay na nagluluto ng sinugba dishes ang mga kalahok at libreng ipinapamahagi sa mga bisita at nais kumain.

Hindi rin mawawala ang mga kaliwa’t kanang Stage Concerts hatid ng De Rose Shopping Center at ni dating Board Member Rolly ‘Ur da Man’ Sacdalan.

Samantala, umaasa naman ang mga Midsayapeños na maibabalik na sa normal ang pagdiriwang ng Sinugba Festival na kinaaaliwan at inaabangan ng lahat.