-- Advertisements --

Hindi raw basta-basta bibitawan ng Senado ang P74-billion budget para sa pagbili ng gobyerno sa coronavirus vaccine hangga’t hindi humaharap sa mga senador ang Chinese pharmaceutical company na Sinopharm.

Sa pahayag na isinapubliko ni Senator Risa Hontiveros, sinabi nito na hangga’t kulang ang datos na hawak ng Senado ay hindi ito papayag na maglabas ng kahit piso lamang para ipambili ng bakuna mula Sinovac.

Kailangan aniya na humarap mismo bukas ang kinatawan ng Sinovac sa isinasagawang Committee of the Whole hearing ng Senado sa national vaccination plan ng gobyerno

Nais daw ng mga senador na marinig mismo sa Sinovac ang sagot sa kanilang mga katanungan, tulad na lamang ang kung bakit wala pang kumpletong datos ang bakuna, gayundin ang paiba-ibang efficacy rate nito. Gusto rin nilang malaman kung ano-ano ang magiging side effects ng bakuna gayundin ang magiging presyo nito.

Ayon sa senadora, nag-iwan ng malaking kwestyon sa kanila ang intergridad ng nasabing bakuna dahil sa mistulang pagiging medical representative ng Palasyo at National Taskforce on COVID-19 dahil sa paiba-iba raw ang kanilang sinasabi.

Matagal na umano nilang hinihintay ang presensya ng Sinovac sa mga pagdinig ng Senado lalo na’t mas lalong nababahala at nagdududa ang mga senador at ang taumbayan sa kasunduan na pinasok ng Pilipinas sa Sinopharm.

Dahil dito ay gusto na raw nilang makakuha ng “official answers” mula mismo sa Sinovac upang nang sa gayon ay maipagpatuloy na rin ng Senado ang kanilang tungkulin na protektahan ang budget na ilalaan para sa COVID-19 vaccination program ng bansa.

Nakakadagdag din umano sa duda ng taumbayan ang naglalabasang ulat na may history na raw ng bribery o panunuhol ang Sinovac. Dagdag pa ni Hontiveros na dapat ay isiwalat ng mga pharmaceutical companies ang mga datos tungkol sa kanilang mga bakuna upang makuha nito ang tiwala at kumpyansa ng publiko.