Kinalampag ni Deputy Speaker Michael “Mikee” Romero ang Human Settlements Department at mga local government units (LGUs) na ipag-utos ang pagpapaliban sa pagbabayad ng residential at business rental, gayindin ng real property taxtes dahil sa COVID-19 emergency.

Ayon kay Romero, “makatwiran lang na ipagpaliban ang mga bayarin sa renta at amelyar dahil maraming kababayan natin ang nawalan ng hanapbuhay sanhi ng COVID-19.”

Para kay Romero, dapat hanggang sa tatlo o apat na buwan hindi sisingilin ang mga umuupa sa kanilang mga bayarin dahil mabibigyan nang pagkakataon ang mga ito na makabangon muna sa oras na matapos na ang krisis na dulot ng COVID-19.

“The concerned departments may take regulatory action as they are empowered to under their respective charters,” ani Romero.

Bukod dito, maari rin ayon sa kongresista, na tapatan din ng mga bangko ang hakbang na ito sa pamamagitan nang pagpapaliban din sa singil sa mortgage payments ng kanilang mga kliyente.

Hinimok naman din ni Romero ang Bangko Sentral ng Pilipinas na maglabas ng bailout program para makatulong sa pagbangon ng mga consumer at negosyante na rin.