Naghain ng guilty plea ang isang Singaporean national sa federal court kaugnay nang pagta-trabaho nito bilang isang agent para sa China.
Ginamit umano ni Jun Wei Yao ang kaniyang political consultancy sa Estados Unidos para kumalap ng mga impormasyon para sa Chinese intelligence simula pa noong 2015 hanggang 2019.
Sa kaniyang guilty plea ay inamin nitong nagtatrabaho siya para sa mga Amerikanong may high-level security clearance at inuutusan ang mga ito na magsulat ng reports para sa mga pekeng kliyente.
Kinumpirma rin ng US na kasalukuyang nakakulong ang isang Chinese researcher na kinilalang si Juan Tang, 37-anyos, dahil sa di-umano’y pagtatago nito sa kaniyang koneksyon sa tropa-militar ng China.
Magugunita na ipinag-utos ng Amerika at China ang pagpapasara ng konsulada ng isa’t isa na mas lalong nagpatindi sa namumuong tensyon sa pagitan ng magkabilang panig.
Sinabi ni US Secretary of State Mike Pompeo na ang desisyon ng US government para ipasara ang konsulada ng China sa Houston, Texas ay upang siguraduhin na walang kahit anong mahahalagang impormasyon na mananakaw ang Beijing.
Giit naman ni Chinese Foreign Ministry spokesman Wang Wenbin na ang naturang hakbang ng US ay base umano sa mga haka-haka ng mga anti-Chinese.
Matapos ang 72 oras na deadline para sa mga Chinese diplomatas na umalis sa Houston consulate ay nagtungo ang mga US officilas sa nasabing opisina upang pwersahing buksan ang pintuan nito para makapasok.