Daan-daang tao na nakasuot ng pink ang dumalo sa taunang rally ng LGBTQ na “Pink Dot” ng Singapore. Ito ang unang bes na idinaos ang naturang rally mula noong ma-decriminalize ng city-state ang gay sex noong nakaraang taon.
Nagwagayway ng rainbow flags habang suot suot ang kani-kanilang glittery make-ups at nagtipun-tipon ang mga kalahok sa isang downtown park — tanging lugar sa Singapore kung saan pinapayagan ang mga nagpo-protesta nang walang police permit.
Matatandaan na pinawalang-bisa ng parlyamento ng Singapore noong nakaraang taon ang British colonial-era law na nagpaparusa sa pakikipagtalik sa pagitan ng mga lalaki nang hanggang dalawang taon sa bilangguan, bagaman ang batas ay hindi aktibong ipinapatupad.
Ngunit kasabay nito ang mga mambabatas ay nagpasa ng isang constitutional amendment na nagpapatibay sa umiiral na kahulugan ng kasal kung saan sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.
Ang pag-amyenda ay nagsara ng pinto sa anumang hinaharap na mga legal na hamon na maaaring magtatag ng pantay na marital rights para sa mga LGBTQ.
Nagsimula ang “Pink Dot” gay rights rally ng Singapore noong 2009 na kinagiliwan ng karamihan sa kabila ng backlash mula sa ilang bahagi.
Ang percentage ng mga Singaporean na sumasang-ayon na ang magkaparehas na kasarian ay dapat payagang magpakasal ay tumaas sa 32%, mula sa 27% noong nakaraang taon, batay yan sa isang survey na inilabas ngayong buwan ng market research firm na Ipsos.