Makikipag-ugnayan na raw ang Commission on Elections (Comelec) sa sumulat ng artikulo kaugnay ng sinasabing pagka-hack ng sistema ng komisyon.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ito ay para matunton ang pinanggalingan ng balita at impormasyon ng umano’y hacking.
Pero duda si Jimenez sa pinanggalingan ng balita dahil nakasaad daw sa artikulong nakuha ng mga hackers ang impormasyon gaya ng Personal Identification Number (PIN).
Aniya, sa ngayon ay wala pang ginagawang PIN ang komisyon para sa darating na halalan sa May 9.
Dagdag niya, wala namang naging problema sa kanilang sistema kahit doon sa mga lugar na tinukoy ng naturang artikulo.
Sa ngayon, wala pa raw nakikita ang Comelec na senyales o ebidensiya na nagkaroon talaga ng hacking.
Una rito, nadiskubre raw ng technews team ng isang pahayagan na mayroong grupo na nakapasok sa sistema ng Comelec at nakapag-download ang mga ito ng files kabilang na ang mga usernames at PIN ng mga vote-counting machines (VCM).
Ang isang grupo raw ay na-download ang network diagrams, IP addresses, listahan ng privileged users, domain admin credentials, listahan ng lahat ng passwords at domain policies, access sa ballot handling dashboard at QR code captures ng bureau of canvassers kasama ang login at password.
Kung maalala Marso 27, 2016, nang mapasok ng mga hackers na “Anonymous Philippines” ang website ng Comelec.
Nag-iwan noon ng mensahe ang mga hackers at nananawagan ng mas mahigpit na security measures sa vote counting machines (VCM) na gagamitin sa 2016 Philippine general elections.
Sa naganap na hacking, nalagay sa alanganin ang personal na impormasyon ng 55 million registered voters dahil sa data breach ayon sa isang security firm.
Abril 20 ng naturang taon nang naaresto ang isa sa mga suspek sa haching na si Paul Zulueta, 23-anyos at fresh graduate ng information technology (IT).