-- Advertisements --

Maari pa ring maharap sa parusa si Metro Manila police chief Major Gen. Debold Sinas kahit pa humingi na ito nang pumanhin sa kanyang mañanita para sa kanyang ika-55 kaarawan noong Mayo 8.

Ayon kay Interior Sec. Eduardo Año, tinanggap na niya ang apology ni Sinas pero hindi aniya ito nangangahulugan na hindi na maaring managot ang naturang opisyal.

Kahapon, Mayo 13, humingi nang paumanhin si Sinas dahil sa mañanitang idinaos para sa kanya, pero sinabi nito na ilan sa mga litratong kumalat sa social media ay “edited” at “old photos” na raw.

Inatasan na rin ni PNP chief Gen. Archie Gamboa ang kanilang Internal Affairs Service para imbestigahan ang mañanita ni Sinas kung saan nalabag ang social distancing sa gitna COVID-19 pandemic.

Base sa mga litrato sa Facebook page ng National Capital Region Police Office, na kasalukuyang burado na, makikita si Sinas at iba pang opisyal ng pulis na ipinagdiriwang ang kanyang kaarawan noong Biyernes, Mayo 8 sa NCRPO headquarters sa Taguig City.