Nanawagan ang parochial vicar ng Quiapo Church sa gobyerno ng Pilipinas na palawigin pa hanggang 50 porsyento ang maximum capacity ng simbahan para sa pista ng Itim na Nazareno sa Sabado, Enero 9.
Sa kasalukuyan kasi ay 30 porsyento lamang ang maximum capacity na pinapayagan sa mga simabahan na nasa general community quarantine (GCQ) areas.
Umaasa umano si Fr. Douglas Badong na sana’y ikonsidera ng pamahalaan na payagan silang kahit 50 porsyento ang mga deboto na papapasukin sa loob ng simbahan para mas marami ang ma-accomodate.
Titiyakin din aniya ng simbahan na mapapatupad ng maayos ang social distancing sa loob ng simbahan.
Nasa 15 misa ang gaganapin sa Simbahan ng Quiapo para maiwasan ang pagbuhos ng mga tao na nais makiisa sa pista ng Black Nazarene sa gitna ng coronavirus pandemic.
Inilagay na rin sa balkonahe ng simbahan ang imahe ng Itim na Nazareno.
Dagdag pa ni Badong, sa halip na gawin ang tradisyunal na pahalik ay magkakaroon na lang ng pagpupugay. Dito ay idudungaw ang imahe ng Nazareno na siyang ginagamit sa prusisyon at ang mga tao ay 24/7 na pwedeng magtungo sa simbahan.
Sa mga deboto naman na nagnanais pumunta, maaari niyong iwagayway ang inyong mga panyo bilang pagpupugay sa Poong Nazareno.
Hinihikayat din ng pari ang mga deboto na makiisa sa mga local festivities na inihanda ng mga simbahan sa kani-kanilang mga lugar.