Aminado ang National Privacy Commission (NPC) na hindi lubos na masusolusyonan ng SIM card registration ang paglaganap ng text scam, at smishing sa bansa ngayon.
Sa gitna ito ng muling paglipana ng naturang mga spam messages kung saan binabanggit pa ang pangalang tutugma sa taong bibiktimahin nito.
Ayon NPC Deputy Commissioner Leandro Aguirre, makakatulong ang pagpapasa ng SIM card registration bill upang mabawasan ang ganitong klase ng mga insidente dahil sa pamamagitan aniya nito ay mas madaling mate-trace ng mga kinauukulan ang taong gumagamit ng isang cellphone number.
Ngunit nilinaw niya na hindi ibig sabihin nito ay 100% na itong mapipigilan dahil posibleng makagawa pa rin aniya ng iba pang paraan ang mga salarin na gumamit ng iba pang teknolohiya upang ipagpatuloy ang naturang krimen.
Pero sa eksklusibong panayam naman ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni Digital Pinoys national campaigner Ronald Gustilo na hindi niya nakikitang solusyon ang SIM card registration para mapigilan ang paglaganap ng spam messages.
Paliwanag niya, posible raw kasing mas makapang-biktima ang mga salarin sa oras na ipatupad ito dahil magkakaroon sila ng panibagong target sa oras na magkaroon nanaman ng panibagong database para rito.
Ang pagkalat ng text blasting machine, at iba pang application na nagpapakalat ng mga impormasyon ang dapat aniyang tugunan ng pamahalaan dahil hangga’t nabubuhay kasi aniya ang ganitong teknolohiya ay hinding-hindi masusolusyonan ng pamahalaan ang naturang problema.
Samantala, nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang Senado ukol dito pero una nang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi na dapat pang pahabain at dapat nang tapusin ang diskusyon dito dahil talagang laganap na aniya ang text spam sa Pilipinas.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng National Privacy Commission (NPC) hinggil sa pagdami ng “smishing messages” at iba pa upang malaman ang posibleng source at pinagmulan nito.