-- Advertisements --

Iniatras na ng sikat na coffee chain sa bansa ang paglimita sa nakukuhang 20 porsyentong diskwento ng mga senior citizens at persons with disabilities (PWD).

Itoy matapos ipag utos ni Speaker Martin Romualdez na imbestigahan ang hindi pagbibigay ng diskwento sa mga seniors.

Sa pagdinig ng House committee on ways and means ngayong araw, inamin ni Angela Cole, ang operations director ng sikat na coffee chain sa bansa, ang naging pagkakamali nila sa paglimita sa ibinibigay na diskwento at sinabi na agad umanong ipinatanggal ang maling signage na naipaskil sa mga outlet nito.

Nakasaad sa kontrobersyal na signage nito na ang discount ay ibibigay lamang sa isang food item at isang inumin.

Ipinag-utos ni Speaker Romualdez ang pagsasagawa ng imbestigasyon matapos na makatanggap ng ulat na hindi nasusunod ang pagbibigay ng discount sa mga PWD at senior citizen. Si Speaker Romualdez ang pangunahing may-akda ng batas na nagbibigay ng diskwento sa mga senior at PWD.

Isa sa mga reklamong natanggap nito ang paglimita ng nasabing coffee chain sa maaaring bigyan ng 20 porsyentong discount.

Sinabi ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na kung hindi pa nagpatawag ng imbestigasyon si Speaker Romualdez ay hindi babawiin ng sikat na coffee chain ang pagkakamali nito.

Nagpasalamat naman si Parañaque City Rep. Gus Tambunting kay Speaker Romualdez.

Tinukoy din ni Speaker Romualdez ang pagsasampa ng kaso ng Pasig Prosecutor’s Office laban sa dalawang opisyal ng isang hotel sa Pasig City na tumangging magbigay ng discount sa parokyanong senior citizen.

Upang makabawi sa kanilang pagkakamali, humirit naman ang chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda na magbigay na lamang ang nasabing coffee chain ng buy-one-take-one sa mga senior citizens at PWDs gaya ng pagbibigay ng libreng inumin sa pagbili ng isang croissant.

Ayon kay Salceda nakatanggap din ito ng kaparehong reklamo laban sa isang sikat na manufacturer ng cake na nililimita din umano sa 20-percent discount sa isang slice ng cake.

Dagdag pa ni Salceda ang 20 porsyentong discount ay dapat ibigay sa mga senior citizen at PWD maging promotional man ang kanilang presyo o hindi.

Ayon kay Salceda magrerekomenda ang komite ng mga remedial legislation at regulasyon upang maitama ang mga kalituhan sa pagpapatupad ng batas na nagbibigay ng discount sa mga senior citizens, PWDs at solo parents.