-- Advertisements --

Labing-pitong lugar sa bansa ang nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 dahil sa Tropical Storm Maring, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Malakas na hangin ang inaasahang mararanasan sa mga lugar na ito sa susunod na 36 na oras.

Base sa tropical cyclone bulletin ng Pagasa kaninang alas-11:00 ng tanghagi, namataan ang Bagyong Marin sa layong 730 kilometers east ng Tuguegarao City, Cagayan.

Kumikilos ito sa direksyon na north northwest sa bilis na 30 kilometers per hour (kph), may maximum sustained winds na 85 kph malapit sa mata at pagbugso naman na 105 kph.

Inaasahang magdudulot ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang naturang bagyo sa Catanduanes habang light ot moderate naman na minsan ay malakas sa bahagi ng Bicol at Visayas regions.

Ang southwesterlies naman ay inaasahang magdudulot ng rain showers sa Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Palawan, at Occidental Mindoro.

Ibayong pag-iingat ang paalala ng Pagasa sa mga lugar na ito dahil sa posibilidad na makaranas ng flash floods at landslides.

Ang mga lugar na kabilang sa TCWS No. 1 ay ang sumusunod: Batanes, Cagayan, Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Northern portion ng Benguet (Buguias, Bakun, Kibungan, Mankayan), Ilocos Norte at Sur, Catanduanes, Eastern Samar, Eastern portion ng Northern Samar (San Roque, Pambujan, Las Navas, Catubig, Laoang, Mapanas, Lapinig, Gamay, Palapag, Mondragon, Silvino Lobos), eastern portion ng Samar (Matuguinao, San Jose de Buan, Hinabangan, Paranas), Dinagat Islands, at Surigao del Norte.