Inamin ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na malayo pa bago magwakas ang nagaganap na kaguluhan ngayon sa pagitan ng militanteng grupong Hamas, at Israel.
Ito ay sa gitna ng patuloy na umiigting na sigalot sa pagitan ng dalawang panig na kumitil na sa maraming buhay ng mga mamamayan doon.
Ayon kay Fluss, ito ay simula pa lamang ng digmaan at sa lalong madaling panahon ay inaasahang bubuwelta ng pag-atake ang Israel defense forces laban sa Hamas.
Ito aniya ay sa kadahilanang hindi maaaring pahintulutan ng kanilang pamahalaan na magpatuloy ang walang habas na pananakot, pag-atake, at pagpatay na ginagawa ng naturang militanteng grupo.
Ngunit gayunpaman ay nilinaw ng Israeli envoy na hindi tulad ng Hamas na tumatarget ng mga sibilyan, tanging mga imprastraktura lang aniya ng Hamas ang tinatarget ng Israel.
Giit pa ng opisyal, walang plano ang kanilang bansa na magsimula ng digmaan laban sa mga Palestine kung kaya’t pinapayuhan aniya ang mga mamamayang Palestinian na lumago sa mga operatiba at pasilidad ng Hamas upang hindi madamay sa nangyayaring gulo.