Hindi pa nakakapagsumite ng shorlist ng mga posibleng pumalit bilang hepe ng Pambansang Pulisya ang Department of the Interior and Local Government sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang inihayag ni DILG Sec. Benjamin Abalos Jr. mahigit isang buwan bago ang napipintong pagpaso ng extension ng panunungkulan ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr. sa darating na Marso 31, 2024.
Sabi ni Sec. Abalos, kuntento siya sa trabaho ni Gen. Acorda sa pamumuno nito sa buong hanay ng Pambansang Pulisya.
Ngunit gayunpaman ay hindi binanggit nito ang dahilan kung bakit hindi pa sila nakakapagsumite ng listahan ng posibleng mga kandidatong hahalili kay Gen. Acorda bilang hepe ng PNP.
Matatandaan na noong Disyembre 3, 2023 dapat magreretiro sa serbisyo si Acorda sa edad na 56 taong gulang ngunit ito ay pinalawig pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hanggang sa Marso 31, 2024.