GENERAL SANTOS CITY – Walang kawala sa National Bureau of Investigation (NBI) ang suspect na sextortionist matapos makorner sa entrapment operation sa lungsod.
Kinilala ni NBI-SarDO head Regner Pineza ang suspek na si Rosman Hadji Brahim, 33, residente ng Sarangani province.
Tinakot umano ni Brahim ang nagreklamo na ipapakalat ang mga hubad na larawan ng babae kung hindi makikipagkita at makipagtalik sa kanya.
Ayon naman sa babae, noong 2020 pa niya itong hiniwalayan subalit hindi matanggap ng suspek kayat idinadaan sa pananakot.
Nitong nagdaang araw muling tumawag ang lalaki habang hindi lingid sa kaalaman ng suspek ay nakipag-ugnayan na ang babae sa NBI.
Itinuloy daw ang plano na samahan ng babae ang suspek sa isang lodging house.
Matapos maibigay ang signal pinasok ng mga ahente ng NBI ang kinaroonan ng babae at naabutan na naka-underwear na ang suspek habang kompleto pa ang damit ng babae na nakahiga sa kama.
Matapos maaresto kaagad dinala sa selda ng NBI ang suspek.
Habang inihahanda na rin ang kaso sa paglabag sa RA 9262.