Nanindigan ang mga tagasuporta ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na ligal ang pagdaraos nila ng makasaysayang sesyon sa labas ng Batasang Pambansa sa layunin patalsikin si Speaker Alan Peter Cayetano bilang lider ng Kamara.
Sa pagsisimula ng sesyon ng mga kongresista sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City nitong umaga, sinabi ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na hindi labag sa Saligang Batas o rules ng Kamara ang pagdaraos nila ng sesyon dahil ginawa na rin nila ito sa Batangas.
Ayon kay Rodriguez, hindi sinasabi ng Saligang Batas na bawal magsagawa ng sesyon silang mga kongresista kung walang mace.
Ang mace aniya ay symbol of authority lamang at ang mananaig pa rin ay ang kagustuhan ng mayorya ng mga kongresista.
Samantala, binigyan-diin naman ni Rodriguez na ang totoong paglabag sa Konstitusyon at House rules ay ang maagang pagsuspinde ng kampo ni Cayetano sa plenary session noong Oktubre 6.
Base kasi sa kanilang legislative calendar, sa Oktubre 17 pa magsisimula ang recess ng Kamara.
















