-- Advertisements --

Suportado ni dating Pang. At ngayo’y House Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang House Bill 6398 o panukalang Maharlika Wealth Fund o MWF.

Sa isang pahayag sinabi ni Arroyo na kumpiyansa ito sa layunin ng nasabing panukala at binigyang diin na hindi naman na bagong ideya ang “sovereign wealth funds” dahil may mga mambabatas na rin ang nagsusulong dito partikular si dating Senador Bam Aquino na kaniyang isinusulong nuong 2016.

Punto naman ni Congresswoman Arroyo na ang tagumpay ng anumang pondo ay nakadepende sa magandang pamamahala.

Sa bersion na isinusulong ng Maharlika Wealth Fund, si Pangulong Bongbong Marcos ang tatayong chairman of the board.

Naniniwala si Arroyo na isang “powerful statement” na ang pinakamataas na opisyal ng bansa ay siyang “ultimate accountable” o mananagot sa sambayanang Pilipino kapag naging masama o pumalpak ang MWF.

Sa sandaling maging operational na ang MWF, maaaring kumuha ng payo ang pangulo mula sa Department of Finance na pinamumunuan ni Sec. Benjamin Diokno.

Dagdag pa ni CGMA na ang pamahalaan ay palaging mayroong pondo para i-invest o ipuhunan, gaya ng financial assets ng Government Financial Institutions o GFIs, o reserba mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP.

Para sa mambabatas na isa ring ekonomista, walang dapat ikatakot sa MWF, dahil ang pampuhunan na gagamitin ay mga investible fund na ini-invest na ng mga government financial institution.