-- Advertisements --
image 715

Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi kailangang magrehistro ng senior citizens bilang botante para makatanggap ng mga benepisyo mula sa kanilang lokal na pamahalaan.

Sa ilalim ng Republic Act 7432 na inamyendahan ng RA 9257 at 9994, nakasaad na ang mga Pilipino na edad 60 pataas ay entitled na makatanggap ng 20% na diskwento sa mga bilihin at serbisyo mula sa lahat ng mga establishimento.

Entitled din ang mga senior citizen sa assistance mula sa gobyerno pagdating sa employment, edukasyon, kalusugan, social services, programang pabahay, access sa pampublikong transportasyon, insentibo para sa social care at social pension.

Ginawa ng ahensiya ang pahayag kasabay ng inilabas na Memorandum Circular 2023-045 na nagbibigay diin sa mga benepisyo na dapat matanggap ng mga senior citizen kahit na hindi sila botante.

Kailangan lamang na magsumite ang mga ito ng katibayan ng sila ay residente sa naturang lokal na pamahalaan, barangay certification, at anumang valid government ID na may nakalagay na address para ma-claim ang mga nabanggit na benepisyo.

Nag-ugat ang naturang usapin matapos na sumulat si senior citizens’ rights advocate lawyer Romulo Macalintal sa DILG noong nakalipas na Disyembre 2022 na kumukwestiyon sa ilang LGU na nagbabawal na makakuha ng benepisyo sa mga hindi rehistradong botante na senior citizens.