ILOILO CITY – Patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek sa magkakasunod na insidente ng pananaksak, pamamaril at pagpapasabog ng boga sa Leon, Iloilo.
Ang biktima ng pananaksak ay nagngangalang Mark Anthony Cari, 26-anyos na residente ng Sitio Buklod, Barangay Cagay, Leon, Iloilo.
Ang biktima naman ng pagpapasabog ng boga ay isang binatilyo na si Fritz Paparida, residente ng nasabi ring lugar na nagtamo ng sugat sa ulo.
Ang mga biktima ng pamamaril ay sina Zozimo Loquias, 65, na nagtamo ng malubhang sugat sa likod na ikinamatay nito, at sugatan si Mary Ann Tahum, 52, kapwa residente ng Barangay Danao, Leon, Iloilo.
Ang suspek sa mga nabanggit na insidente ay si Ernesto Capio, 60-anyos na magsasaka at residente ng Sitio Buklod, Barangay Cagay, Leon, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lt. Melchor Tolentino, hepe ng Leon Municipal Police Station, sinabi nito na inaalam pa nila kung ano ang motibo ng suspek sa magkakasunod na krimen na ginawa nito.
Ayon kay Tolentino, mabilis na tumakas ang suspek matapos ang insidente habang ang mga sugatang biktima ay ginagamot pa sa ospital .