CAUAYAN CITY- Nagtamo ng sugat ang isang senior citizen matapos itong suntukin ng kanyang pinsan na punong barangay sa District 1 Gamu, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa biktimang si ginoong Orlando Dabo itinanggi niya ang alegasiyon na nasa impluwensiya siya ng nakalalasing na inumin ng makasuntukan niya ang kanilang barangay kapitan.
Aniya, nabigla siya sa pangyayari at dahil sa insidente ay nagtamo siya ng sugat sa kaniyang ulo.
Ayon naman sa anak nito na si Angelo Dabo na sumailalim na sa Medical Examination ang kanilang ama at doon nakumpirma na nagtamo ng ilang sugat dahil sa umanoy pambubugbog umano ng kanilang Barangay kapitan.
Inihayag naman ni Ginang Julie Dabo, asawa ng biktima na hindi ito ang unang pagkakataon na nasaktan ng kanilang kapitan ang kaniyang mister dahil unang nangyari ang pananakit sa kaniyang asawa noong nagsagawa ng o ng meeting de avance sa kanilang barangay.
Depensa umano ng Punong-Barangay na lasing ang kanyang mister at nagmumura, sa halip umano na alalayan ay patulak pa itong inihatid ng kapitan sa kanilang bahay.
Samantala, hindi naman itinanggi ni Barangay Kapitan Manuel Lampero ng barangay District 1, Gamu, Isabela na nasuntok niya ang biktima.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Barangay Kapitan Lampero na nasa bahay siya ng kaniyang pamangkin nang lumapit ang biktima na umanoy nasa impluwensiya ng alak.
Hinawakan umano siya nito at dahil lasing ay pinilit niya itong umuwi, subalit ayaw nitong umuwi, dahil sa init ng ulo ay namura niya ang biktima na gumanti naman ng mura.
Hindi na niya na pigilan ang kaniyang sarili kaya nagsuntukan sila ng biktima hanggang sa nadulas ito at nauntog ang ulo na naging sanhi upang magtamo ng sugat.
Labis ang pagsisisi ng barangay kapitan dahil sa nangyari at humingi ng tawad sa mga indibiduwal na nakakita sa pangyayari gayundin sa pamilya ng kaniyang pamangkin at sa kaniyang mismong pinsan.
Ito aniya ang unang pagkakataon na may nangyaring suntukan sa kaniyang nasasakupan na marahil ay bunga ng matinding emosyon.