-- Advertisements --

Tutungo sa Commonwealth Avenue sa Quezon City sa Hulyo 26 ang mga kritiko ng administrasyon para sa isasagawang “send-off rally” bago ang ika-anim at huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kabilang sa mga grupo na inaasahang makikibahagi sa mga kilos protesta ay ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), iDEFEND, Movement Against the Anti-Terrorism Act (MATA), Kabataan party-list, Sanlakas, at Akbayan.

Ang grupong iDEFEND at MATA ay magsasagawa rin ng kilos protesta sa harap naman ng tanggapan ng Commission on Human Rights.

Sa isang statement, sinabi ng grupong Bayan, na katulad ng nangyari nopong nakaraang taon ay susunod pa rin ang mga organizers sa mga precautions dahil sa pandemya.

Sa isang pulong balitaan, pinuna ng mga grupo ang umano’y kabiguan ni Pangulong Duterte na gampanan ang kanyang mga pangako noong panahon ng kampanya tulad na lamang nang pagsawat sa kalakaran ng iligal na droga at labor contractualization, pati na rin ang pagsakat sa jet skii papuntang West Philippine Sea para igiit ang soberenya ng bansa sa lugar.

Binatikos din ng grupo ang human rights record ni Duterte, pati rin ang paghawak nito sa COVID-19 crisis, lumalaking utang ng bansa, at pagiging bukas nito sa pagtakbo bilang bise presidente sa halalan sa susunod na taon.