-- Advertisements --

Ininspeksyon nina Senators Christopher “Bong” Go at Robinhood Padilla ang Super Health Center sa bayan ng Matanao, sa Davao del Sur.

Ang Super Health Center ay isa sa inisyatiba ni Go kasama ang Department of Health upang mapagbuti ang healthcare system sa bansa, partikular sa malalayong lugar.

“Nasa strategic areas po siya nakalagay para hindi na po nila kailangan bumiyahe kapag may emergency cases. Meron na po silang sariling rural healthcare station. Pinangarap kong maisakatuparan ito at finally po nag-groundbreaking tayo,” pahayag ni Go.

Pagkatapos ng inspeksyon ay dumalo sina Go at Padilla sa inagurasyon ng isan multipurpose building, kung saan pinangunahan nila ang isang relief activity para sa mahihirap na residente.

Namahagi si Go at kanyang staff ng grocery packs, vitamins, masks, shirts at meals sa 500 residente. Nagbigay din ang senador ng mga sapatos, bisikleta, cellphones, relo, payong, at bola ng basketball at volleyball sa mga piling benepisyaryo.

“Ako (at) si Robin ang dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan ninyo kami ng pagkakataon na makapagserbisyo sa inyo. Puso sa puso ang pagpapasalamat namin sa inyong lahat. At handa kaming magserbisyo sa inyong lahat sa abot ng aming makakaya. Ako, tao lang rin ako na napapagod. Pero kapag nakikita ko kayo na masaya at ngumingiti, nawawala ang aming pagkapagod,” sabi ni Go sa kanyang talumpati.

“Huwag kayong magpasalamat sa amin dahil obligasyon namin ang tumulong. Kayo, kahit sino sa inyo lapitan n’yo lang kami. Hindi ako mangangako dahil hindi ako pulitiko na mangangako sa inyo. Basta tutulong lang ako sa abot ng aking makakaya dahil trabaho naman namin iyan,” pagbibigay-diin ng senador.

Hinikayat din nito ang mga benepisyaryo ang mga mayroong karamdaman na matungo sa kanyang opisina o bumisita sa kalapit na Malasakit Centers sa Davao del Sur Provincial Hospital sa Digos City o sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City.

“Mayroon naman tayong 153 na Malasakit Center sa buong Pilipinas na handang tumulong sa inyo. Sa SPMC, may Malasakit Center doon. Kahit na taga-Matanao kayo, pwede kayong lumapit doon sa SPMC, tutulungan kayo,” ayon sa senador.

“Mga kababayan, nandito kami para magbigay ng tulong, makapagbigay ng kaunting solusyon sa inyong problema, at makapag-iwan kami ng kaunting ngiti sa inyong mukha sa pag-uwi ninyo. Masaya na rin po kami sa pag-uwi ninyo na nakangiti kayo dito sa Matanao,” dagdag pa niya.

“Sa mga taga-Davao del Sur, maraming salamat sa inyong tulong kay (dating) presidente (Rodrigo) Duterte, kay Presidente (Ferdinand) Marcos (Jr.), kay Vice President Sara (Duterte), kay Robin at sa akin. Nandito lang kami na nagmamahal sa inyong lahat,” pagtatapos ni Go.