-- Advertisements --

Nilinaw ni Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na isang pribilehiyo lamang ang protective custody na ipinagkaloob ng mataas na kapulungan kay Senador Ronald Dela Rosa

Ayon kay Aplasca, maaari itong tanggihan ng senador anumang oras.

Giit ng retiradong 2-Star General na walang kapangyarihan ang Senate security na pigilan ang senador kung nais nitong umalis sa Senado, gaya ng nangyari noong Huwebes ng madaling araw.

Hindi rin aniya nangangahulugang nakaaresto si Dela Rosa habang nasa ilalim ng protective custody ng Senado.

Sumusunod din lang ang Office of the Sergeant-at-Arms aniya, sa direktiba ni Senate President Alan Peter Cayetano na makikipagtulungan lamang sila sa mga aarestong opisyal kung may dalang judicial order mula sa lokal na hukuman dito sa Pilipinas.

Batay sa CCTV footage at ulat ng Senate security, umalis si Dela Rosa sa Senado kasama si Senador Robinhood Padilla.

Diretsong nagtungo ang dalawang senador sa sasakyan ni Padilla at tahimik na umalis sa compound ng Senado.

Sa kabila nito ay binigyang-diin ni Aplasca na nagsasagawa pa rin sila ng imbestigasyon kung bakit hindi man lamang kinausap o pinigilan ng mga security personnel ang dalawang senador bago sila makaalis. (report by Bombo Jai)