Lumalabas na ambush at matagal na pinagplanuhan ang pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino.
Sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, inamin ng ilang pulis na nakabase sa naturang lugar na naging project nila ang nasabing kaso.
Ayon sa testigong si Police Master Sergeant Jose Jay Senario, mismong si Provincial Drug Enforcement Unit chief Police Captain Joselito Tabada ang nag-utos sa kaniya noon pang 2018 na i-surveillance ang alkalde.
Binigyan pa raw siya ng option na i-ambush ang opisyal.
Pero ang tinutukoy ni Senario na nagbigay sa kaniyang direktiba ay namatay na rin.
Kaya tumibay ang anggulo ng NBI na posibleng may political motive sa insidente, ngunit hindi na muna pinangalanan ang posibleng mastermind sa krimen.