Tiniyak ng Senate committee on health na hindi makakasagabal sa mga trabaho ng Department of Health (DoH) ang gagawing inquiry nila bukas ukol sa Wuhan coronavirus.
Ayon kay Health committee chairman Sen. Christopher “Bong” Go, layunin lamang ng kanilang pagdinig na mahingan ng tugon ang DoH ukol sa mga isyung nais mabatid ng mga karaniwang mamamayan.
Nais din umano nila ng simpleng pagpapaliwanag na mauunawaan ng mga taong lantad sa sakit na ito na nagmula sa Wuhan City.
Samantala, nagpatupad na ng paghihigpit ang mga senador ukol sa mga taong nagtutungo sa kanilang tanggapan.
Nabatid na daan-daan hanggang libu-libo ang humihingi ng tulong at pumipila sa Senado halos araw-araw para humingi ng tulong sa mga mambabatas.
Inaasahang maglalabas ng protocol ang Senate leadership hinggil sa isyung ito, habang ang Kamara ay nangakong sususugan ang hakbang ng senado.










