Napilitang ihinto ng Senate committee on public services ang kanilang pagdinig ukol sa internet accessibility, makaraang makaranas mismo sila ng palpak na connection.
Sa nasabing hearing, kabilang sana sa mga resource person ang mga kinatawan ng Department of Information and Communications Technology (DICT), telecommunication companies (Telco) at iba pang stakeholders.
Hindi naitago ni Senate committee on public services chairperson Sen. Grace Poe ang pagkadismaya, dahil tila nasasayang ang magagandang impormasyon na isinisiwalat ng mga bisita, bunsod ng mahinang internet connection.
“The current state of internet access in the country demands urgent attention as millions of Filipinos are trying to lead new normal lives at home. Those working from home, the millions of students anxious about online learning, and all those who depend on the digital economy are all waiting for the digital life to get better,” wika ni Poe.
Kasama sa mga nakatakdang talakayin ang kakayahan nating humarap sa “new normal,” kung saan ang karamihang mga estudyante ay mag-aaral na gamit ang internet, habang marami naman ang magtatrabaho sa bahay, upang maiwasan ang palagiang pagbyahe.
Dahil sa pangyayari, isasama na rin ni Sen. Poe sa kanilang committee report ang putol-putol na connection, upang makasama sa rekomendasyon ang pag-upgrade sa ating internet accessibility.
Nabatid na ang Pilipinas ay rank 110 sa speed test, mula sa 174 bansang isinailalim sa obserbasyon.
Pero ang nakapagtataka, isa pa tayo sa may pinakamahal na internet cost sa Asian region.
















