Nanawagan si Senate Public Services Chairperson Senadora Grace Poe sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bigyan ng grace period at huwag nang pagbayarin ng multa ang mga gumagamit ng electronic bikes at e-trikes na unang nahuli ngayong linggo matapos na ipagbawal ang mga ito sa national road.
Sinabi ni Poe na nararapat lamang na magbigay ng palugit para sa mga kailangang magbayad ng multa at na-impound na e-bikes.
Ang pagbababawal sa mga e-trike mula sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila tulad ng Epifanio delos Santos Avenue (Edsa), Commonwealth Avenue, at C-5 Road ay ipinatupad noong Abril 15, habang hiniling naman ni Marcos sa Metropolitan Manila Development Authority noong Abril 18 na magbigay ng palugit.
Paliwanag ng senadora, ang intensyon ng Pangulo sa ibinigay na palugit ay para bigyan sila ng sapat na panahon para makasunod at maka-adjust sa bagong regulasyon.
Tinukoy ng mambabatas na marami ang naguluhan sa kung ano lang ang pinagbabawal at kung saan pwedeng dumaan ang mga light electric vehicles na hindi naman sakop ng ban.
Hinimok din ni Poe ang MMDA at mga LGUs na gamitin ang panahon na ito para ipaalam sa publiko ang naturang bagong direktiba mula sa Pangulo.