Inihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na inaasahang maipapasa sa ikatlong pagbasa sa Senado ang panukalang batas na Maharlika Investment Fundbago ang sine die adjournment ng unang regular session ng 19th Congress.
Ito ay kasunod na rin ng pag-certify bilang urgent ng naturang panukala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa isang sulat kay Sen. Pres. Zubiri noong Mayo 22.
Maliban pa sa Maharlika Fund, target din ng mataas na kapulungan ng Kongreso na maaprubahan sa huling pagbasa ang tatlo pang panukalang batas bago mag-adjourn ang sesyon.
Kabilang dito ang Trabaho Para sa Bayan Act, Regional Specialty Centers Act, at ang Estate Tax Amnesty Act.
Sa oras na maipasa bilang batas ang naturang mga panukala, magiging pito na ang priority bills ng Pangulo na naipasa sa unang sesyon ng Senado kabilang na ang SIM Registration, Act Postponing the Barangay Elections, at AFP Fixed Term Law.