-- Advertisements --

Agad nagpatupad ng semi-lockdown ang Senado makaraang dumami na naman ang mga positibong kaso ng COVID-19 mula sa kanilang mga tauhan.

Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, apat ang nadagdag sa mga infected ng coronavirus mula sa dati nilang record.

Isa umano sa mga ito ay staff niya mismo, isa rin ang staff ni Sen. Nancy Binay at ang ikatlo ay mula sa iba pang tanggapan.

Matatandaang una nang nakapagtala ng halos 20 COVID cases noong bago pa nag-break ang sesyon.

Habang dati nang nagpositibo sina Sens. Sonny Angara, Koko Pimentel at Zubiri.

Nais ng majority leader na isara muna ang buong gusali hanggang sa susunod na mga linggo, ngunit hindi iyon lubos na pinaburan ng iba pang senador, lalo’t may mga kinakailangang asikasuhin ng personal sa kanilang opisina.

Pinatitiyak na lang ng liderato na may kompletong proteksyon ang mga tauhang papasok, para maiwasan ang pagkakaroon ng dagdag pang COVID cases.

Magpupulong din ang mga senador upang pag-usapan ang magiging hakbang sa muling pagbabalik ng kanilang sesyon sa Hulyo 27, 2020.