Nais ng Senado na magbigay pugay kay Alexandra “Alex” Eala matapos ang kanyang makasaysayang tagumpay sa Wimbledon.
Batay sa inihaing Senate Resolution No. 507 ni Senator Mark Villar, pinuri nito ang naging tagumpay ni Eala sa 2026 Wimbledon Championships, kung saan siya ang kauna-unahang Pilipino na nakapasok sa Round of 16 ng isang Grand Slam singles tournament.
Ayon sa senador, naghatid ng karangalan at pandaigdigang pagkilala sa Pilipinas ang tagumpay ni Eala, habang nagsilbi rin itong inspirasyon sa mga kabataang Pilipino na mangarap at makipagsabayan sa pinakamahuhusay na atleta sa mundo.
Binanggit sa resolusyon ang impresibong laban ni Eala sa Wimbledon, kung saan tinalo niya sina Renata Zarazua ng Mexico at Maya Joint ng Australia bago ang makasaysayang pagkapanalo laban kay Iga Świątek ng Poland, isang dating world No. 1 at kasalukuyang world No. 3.
Natapos ang kampanya ni Eala matapos siyang talunin ni Italian tennis star at Olympic gold medalist Jasmine Paolini.
Ipinunto rin sa resolusyon na inaasahang maaabot ni Eala ang kaniyang pinakamataas na ranggo sa Women’s Tennis Association (WTA) dahil sa kaniyang matagumpay na mga kampanya sa iba’t ibang torneo. Kabilang dito ang pagkapanalo ng WTA 125 title sa Birmingham at pag-abot niya sa semifinals ng torneo sa Berlin.















