Nanawagan ang Senado para sa malalimang imbestigasyon sa panibagong insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sangkot ang isang private plane na umano’y ginagamit para sa human trafficking.
Ginawa ng mga mambabatas ang naturang panawagan kasunod ng pagbubunyag ni Senator Grace Poe sa kaniyang privilege speech na nakatanggap ang Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (ASG) ng anonymous tip kaugnay sa human trafficking activity sangkot ang isang aircraft na may tail number N9527E na nakatakda sanang umalis ng bansa noong Pebrero 13 sa NAIA patungong Dubai.
Matapos makumpirma ang naturang scheduled flight, sinabi pa sa anonymous information na tanging anim na pasahero lamang ang idineklarang sakay subalit 14 pala ang pasaherong lulan ng nasabing eroplano.
Pagsisiwalat ni Senator Poe na ang aircraft ay napaulat na inooperate ng isang Cloud Nine No. 1 leasing Company Ltd., isang Hongkong registered leasing company at ang kanilang assigned ground handler ay isang local company na tinatawag na Globan Aviation Service Corporation o GLOBAN.
Kinondena naman ni Senate President Migz Zubiri ang naturang gawain at umapela ng imbestigasyon sa Senate Blue Ribbon committee laban sa corrupt government officials na sangkot sa insidente na aniya’y nabulag ng salapi.