-- Advertisements --

Hinikayat ni Senator Francis Tolentino ang Department of Health na pag-aralan ang posibilidad na payagan nang magtrabaho sa bansa ang mga foreign doctors.

Kung mangyayari ito, ayon sa senador, tiyak na matutulungan ang mga health care professionals sa bansa hindi lamang sa palitan ng mga mga ideya sa larangan ng medisina kundi magiging daan na rin ito para sa transfer of technology o palitan ng best practices.

Ayon sa Senador, maraming bansa ang may mataas na populasyon ng mga doktor, na una na rin umanong nagpakita ng interest na magtrabaho sa bansa.

Gayunpaman, dahil sa kasalukuyang polisiya ng bansa ay hindi nabibigyan ang mga ito ng pagkakataon.

Inihalimbawa ng Senador ang naging sarili nitong karanasan nang tumama ang Yolanda noong 2013 kung saan may grupo ng mga French at Spanish Doctors na lumapit sa kanya at nagsabing gusto nilang gamutin ang mga critical patients ngunit hindi sila pinapayagan ng batas ng bansa.

Tanging first aid lamang aniya ang maaaring gawin ng mga ito sa nasabing mga pasyente.

Ginawa ng Senador ang nasabing apela, kasunod na rin ng unang inamin ng Kagawaran ng Kalusugan na kakulangan ng mga health practitioners sa bansa.