-- Advertisements --

Muling ipinagmalaki ni Senator Robin Padilla ang kanyang pagtatapos sa “University of Prison,” kasunod ng mga naging reaksyon ng publiko matapos niya itong banggitin sa gitna ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.

Sa isang pahayag na ibinahagi sa social media, sinabi ni Padilla na ipinagmamalaki niya ang halos tatlong taong pananatili sa kulungan dahil dito umano niya natutunan ang mahahalagang aral sa buhay at nahubog ang kaniyang pagkatao.

Tinawag ng senador ang kaniyang karanasan bilang isang “unibersidad ng buhay.”

“Ipinagmamalaki ko po talaga ang 3 taon ko sa University of Prison. Dito sa lugar na ito ang tunay na unibersidad ng buhay… Madali lang ang pumasok dito. Ang mahirap ay ang makalabas at mag-graduate with honors o with death,” ani Padilla.

Nauna nang naging usap-usapan ang naging pahayag ng senador sa impeachment proceedings nang sabihin niyang nagtapos siya sa “UP.” Kalaunan ay nilinaw niyang ang tinutukoy niya ay ang “University of Prison” at hindi ang University of the Philippines.

Ayon kay Padilla, ang kaniyang karanasan sa loob ng kulungan ang nagturo sa kaniya ng disiplina, pagpapakumbaba, at mahahalagang aral na aniya ay hindi lamang natututunan sa loob ng tradisyunal na silid-aralan.

Matatandaang nakulong si Padilla noong dekada 1990 kaugnay ng kasong illegal possession of firearms. Kalaunan ay napawalang-sala siya at nakalaya matapos ang halos tatlong taong pagkakapiit.

Samantala, hati ang opinyon ng netizen tungkol sa naging pahayag ng senador. May ilang nagpahayag ng suporta sa kaniyang pananaw, habang may iba namang bumatikos sa paggamit niya ng katawagang “University of Prison” bilang paglalarawan sa kaniyang naging karanasan sa bilangguan.