Muling isinusulong ni Senator Grace Poe ang kanyang panawagang bumuo ng independent transportation safety board na siyang mag-iimbestiga sa mga kahalintulad na insidente gaya noong bagong taon na nagkaroon ng airspace shutdown na kinasasangkutan ng mga government agencies.
Sa kanyang opening speech sa Senate public services committee investigation sa air traffic system glitch noong Enero 1, sinabi ng senadora na napapanahon umanong muling talakayin ang Senate Bill 1121 o ang panukalang batas na para sa pagbuo sa Philippine Transportation Safety Board (PTSB).
Mandato raw ng Philippine Transportation Safety Board na imbestigahan din ang mga transport-related accidents at pag-aralan kung paano ito maiiwasan.
Paliwanag niya, sa ngayon daw kasi ang nag-iimbestiga ay Department of Transportation at Civil Aviation Authority of the Philippines pero sila mismo ay involve sa naturang aberya.
Kaya naman, mahalaga raw na masigurong mayroong impartiality sa isinasagawang imbestigasyon.
Kung maalala, ang Philippine Transportation Safety Board ay parehong lumusot sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso noong 18th Congress pero ito ay na-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong July 2022.
Sa kanyang veto message, sinabi ni Pangulong Marcos na ang functions na para sa Safety Board ay function na rin ng iba’t ibang ahensiya na nasa ilalim ng Department of Transportation gaya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Land Transportation Office, Philippine Coast Guard, Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board at Maritime Industry Authority maging ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation.