-- Advertisements --

Naghain si Sen. Robin Padilla ng isang resolusyon na naglalayong magsagawa ng imbestigasyon ang Senado kaugnay sa pagkasawi ng dalawang student-athletes ng Ateneo de Manila University sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora.

Ayon kay Padilla, mahalagang masuri kung sapat ang umiiral na mga polisiya, supervision requirements, emergency preparedness measures at risk management protocols para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyanteng kalahok sa mga aktibidad na inorganisa ng mga paaralan.

Sa ilalim ng panukalang resolusyon, hihilingin sa kaukulang komite ng Senado na magsagawa ng motu proprio inquiry upang alamin ang buong pangyayari at matukoy kung may mga batas na kailangang amyendahan o ipatupad upang mapalakas ang proteksyon sa mga estudyante.

Binigyang-diin ng senador na hindi layunin ng imbestigasyon na agad magturo ng may pananagutan kundi alamin ang katotohanan at matiyak na may mga repormang maipatutupad upang hindi na maulit ang kahalintulad na insidente.

Personal ding dumalaw si Padilla sa burol ni Rene Clert Baterbonia upang makiramay sa pamilya nito, habang nakikiisa rin siya sa pagdadalamhati ng pamilya ni Divine Adili.

Ayon pa sa senador, dapat ding repasuhin ang mga umiiral na pamantayan sa risk assessment, supervision, emergency preparedness at crisis response mechanisms para sa mga school-organized activities, lalo na yaong may kinalaman sa outdoor, athletic at iba pang high-risk na programa.

Umaasa si Padilla na magsisilbing daan ang imbestigasyon upang matukoy ang mga kahinaan sa kasalukuyang sistema at makabuo ng mas matitibay na pananggalang para sa kaligtasan ng mga estudyanteng Pilipino.