GENERAL SANTOS CITY – Isisiwalat ang mas marami pa umanong corruption issues sa pagbabalik-trabaho sa Senado ni Senator Manny Pacquiao.
Ito ang tiniyak ng senador sa exclusive interview ng Bombo Radyo GenSan.
Bago raw ang biyahe patungong Amerika para sa kanyang laban kay Yordenis Ugas ay una ng isiniwalat ng senador sa publiko ang ilan sa mga government agencies na may nangyayari umanong korapsyon tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Energy (DoE), Department of Health (DoH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Aniya, may iba pang mga ahensiya ng pamahalaan na may corruption issues ang ibubulgar nito sa isasagawang Senate investigation.
Ayon kay Pacquiao na mayroon siyang hawak na mga ebidensya ukol dito at hindi pagbibintang ang kanyang ginagawa.
Matagal na umanong naloloko ang sambayanang Pilipino dahil sa mga corrupt officials kayat kailangan na mayroong tatayong boses para sa kanila.
Muli nitong iginiit na bilyon-bilyong piso na halaga ng pera ang “involve” dito kayat hindi dapat palampasin at dapat na may managot.
Samantala pinuna naman ni Pacquiao ang ginagawa umanong pagdedepensa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nasasangkot kasunod ng inilabas na Commission on Audit (COA) findings kung saan nasilip ang ilang gov’t offices na hindi tama nag paggasta ng kanilang pondo.