-- Advertisements --

Nakiusap si Senator Imee Marcos kay Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ay siguruhin nito na maibibigay ang Medal of Valor benefits sa pamilya ng 44 Special Action Force (SAF) commandos na napatay noong 2015 Mamasapano tragedy.

Sa ika-anim na taong paggunita kahapon ng Pilipinas sa kagitingan ng mga nasawing pulis, sinabi ng senadora na patuloy ang nararamdamang pighati ng mga naiwang pamilya ng biktima na matiyagang naghihintay ng hustisya sa naturang “reckless police operation.”

Personal aniya ang naturang usapin para kay Marcos dahil karamihan ng SAF 44 ang nagmula sa indigenous communities sa Hilaga.

“The SAF 44 were left to die like mere characters in a video game,” saad ni Marcos.

Hinikayat din ni Marcos si Ombudsman Samuel Martires na himayin ang nakabinbing petisyon upang muling imbestigahan ang insidente at gayundin ang mga government agencies para tiyakin na matatanggap ng mga pamilya ng namatay na pulis ang pangakong tulong-pinansyal.

”We will never know the last wish of each one who died in Mamasapano. But we should not bury the bereaved families’ hope of gaining justice,” dagdag pa ng senadora.

Naibasura noong 2017 ang kasong reckless imprudence resulting in homicide na inihain laban kay dating President Aquino.

Noong nakaraang taon naman ay binasura ng Sandiganbayan ang graft at usurpation charges na isinampa laban kina dating PNP chief Alan Purisima at former SAF chief Getulio Napeñas Jr.