-- Advertisements --

Nagbabala ngayon si Senator Imee Marcos ng low farm production kung bigo ang Department of Agriculture (DA) na agad ilabas ang halos P9 billion na pondo para sa subsidiya ng mga rice farmers para makabili ng kanilang mga fertilizers at iba pang farm inputs.

Aniya mabagal daw ang pamamahagi sa P5,000 na halaga ng cash aid para sa mahigit 1.6 million farmers dahil naghahanda na ang mga ito para sa wet planting season ngayong buwan hanggang Oktubre.

Una nang sinabi ng Land Bank of the Philippines na ang pagkaantala sa paglalabas ng pondo ng DA ay dahil sa problema sa ID system.

Pero para naman sa senadora, sakali raw na kulang ang kapasidad ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA dapat daw ay tawagan na ang mga municipal agriculturists na siyang mayroong listahan ng farmers’ cooperatives sa kanilang mga areas of responsibility.

Dagdag pa ni Marcos na ang RSBSA list of individual farmers na dapat mabigyan ng access sa fertilizer at seed subsidies ay dapat tuloy-tuloy ang ibibigay na suporta sa kanilang pangkabuhayan.

Noong nakaraang taon, nakakolekta ang pamahalaan ng P18.9 billion ng rice tariffs na siyang pinagkuhanan ng P9 billion sa karagdagang farmer subsidies maliban pa sa P10 billion na mandato sa ilalim ng Rice Tariffication Law.

Sinabi ni Marcos na ang isang magsasaka na mayroong isang ektaryang palayan ay makakatipid ng 25 hanggang 33 percent ng fertilizer costs sa ibibigay na P5,000 subsidy.

Gumagamit kasi ang mga magsasaka ngayon ng anim hanggang sa walong bags o sako ng fertilizer kada ektarya at nagkakahalaga ito ng P15,000 hanggang P20,000 base na rin sa presyo ng urea fertilizer.

Ang mahigpit namang global supply ng fertilizer ang naging dahilan kung bakit tumaas nang husto ang presyo ng fertilizer noong 2020.

Mula kasi sa dating P800 per 50-kilogram bag ng urea fertilizer ay naging P2,300 hanggang sa P2,500 na ngayong taon.