-- Advertisements --

Nanindigan si Senador Rodante Marcoleta na hindi siya lalaban kung sakaling aarestuhin man siya sa hinaharap.

Ayon kay Marcoleta, payapa niyang isusumite ang kaniyang sarili sa mga otoridad kung sakaling mayroon mang arrest warrant laban sa kaniya.

Maaalalang tanging ang Office of the Ombudsman pa lamang ang sumusuri sa mga reklamo laban kay Marcoleta at hindi pa ito nakakapaghain ng actual case laban sa senador.

Gayunpaman, naninindigan si Marcoleta na posibleng may ilalabas nang warrant of arrest laban sa kaniya at tuluyan na siyang arestuhin ng mga otoridad.

Kung mangyayari ito aniya, hindi na umano siya tatanggi dahil tungkulin ng arresting officer na ipatupad ang warrant.

Maliban dito, batid din umano niya ang tuntunin sa pag-aresto sa isang indibidwal.

Nahaharap si Marcoleta sa plunder and indirect bribery complaints sa Office of the Ombudsman.

Ito ay dahil umano sa kaniyang kabiguan na i-disclose ang P75 million na campaign donations na kaniyang natanggap mula kina Mike Defensor at 2 pang businessmen sa kaniyang 2025 senatorial campaign.

Ang naturang reklamo ay hindi pa naihahain sa anumang korte sa kasalukuyan.