Kinumpirma ng Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) na walang opisyal na dokumento o rekord na magpapatunay na si Senator Jinggoy Estrada ay nagsagawa ng insertions o amendments sa 2025 national budget kaugnay ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan.
Sa kanilang ulat sa Office of the Ombudsman, nilinaw ng LBRMO na lahat ng amendments na inaprubahan ng plenaryo ay itinuturing na galing sa Senado bilang institusyon at hindi maikakabit sa isang partikular na senador.
Ang pahayag ay lumabas sa gitna ng imbestigasyon ng Ombudsman hinggil sa umano’y kickbacks mula sa flood control projects, bagay na mariing itinanggi ni Estrada.
Giit ng senador, mula pa sa simula ng kontrobersiya ay nanindigan na siyang walang basehan at walang matibay na ebidensiya ang mga paratang laban sa kanya.
Aniya, ginampanan lamang niya ang tungkulin bilang senador na suriin ang pambansang budget at magmungkahi ng mga amyenda para sa kapakanan ng mamamayan.
Binanggit ni Estrada na ang ulat ng LBRMO ay nagpapatunay na walang anumang insertions sa bahagi ng DPWH budget na maaaring maiugnay sa kanya.
“This is on record. This is the truth,” ani Estrada, sabay igiit na nananatili siyang tapat sa prinsipyo ng transparency at accountability sa kanyang serbisyo-publiko.
Dagdag pa ng senador, handa siyang harapin at pabulaanan ang lahat ng maling paratang na ipinupukol laban sa kanya.
“Hindi ko hahayaang dungisan ang aking pangalan sa pamamagitan ng mga mali, mapanirang-puri, at malisyosong pahayag,” aniya.
Sa kabila ng kawalan ng opisyal na rekord, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng Ombudsman upang matukoy ang lawak ng umano’y anomalya at ang pananagutan ng mga sangkot.















