Inihayag naman ni Senator Imee Marcos na nakausap at nagka-ayos na sila ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte kasunod ng paglilinaw ng alkalde sa kaniyang online account.
Ayon sa Senadora, simula aniya ngayon hindi na siya magkukuwento dahil sa mga nangyayari ngayon sapagkat lahat umano ay madali na aniyang mabaliktad at ma-misinterpret.
Sinabi din ng Senadora na tila mayroong gustong mag-away sila pero mabuti at nagkausap na aniya sila subalit na hindi na umano siya magbibigay pa ng mga detalye.
Una na ngang nilinaw ng bunsong anak ni dating pangulong Rodrigo Duterte na si Mayor Baste sa kaniyang online post na ang paghingi umano niya ng tawad ay hindi para sa kanyang malupit na pagbatikos laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kundi para sa kanyang kapatid na si Senator Marcos.
Ito ay matapos ibunyag ng Senadora na humingi sa kanya ng tawad si Mayor Baste sa sinabi nito sa isang prayer rally kamakailan sa Davao City kung saan binatikos niya si Pang. Marcos Jr., na inakusahan niyang tamad at inuuna ang pulitika kaysa sa kapakanan ng mga Pilipino. Nanawagan din siya sa pagbibitiw ni Marcos bilang pangulo.