LAOAG CITY – Pormal nang nanumpa si Sen. Imee Marcos bilang ika-12 Senador ng bansa sa pamamaigitan kay Executive Judge Leila Myrtle Paqui ng Regional Trial Court sa lungsod ng Batac dito sa lalawigan ng Ilocos Norte sa harap mismo ng Paoay Church na itinuturing na isa sa UNESCO World Heritage Site.
Ayon kay Senador Marcos, hindi niya inasahan na mananalo ito dahil sa kasalukuyang mga nangyayari sa pulitika.
Gayunpaman, wala aniyang imposible gaya ng binanggit niya sa kanyang unang State of the Province Address o SOPA niya noong Gobernador pa siya ng lalawigan.
Ipinaliwanag niya na hangga’t may patnubay ng Diyos at pagkakaisa sa bawat tao ay walang imposible.
Aniya, ang malakas at mainit na suporta ng mga Ilokano para sa kanya ay nagpapahiwatig na ang Solid North ay nanatiling buhay na buhay.
Kaugnay nito, nangako si Senador Marcos na hindi niya pababayaan ang kanyang mga kapwa Ilokano kung saan tiniyak niya na hangga’t nasa Senado siya, hindi mawawala ang boses ng taumbayan.
Dagdag pa niya, isantabi muna ang lahat ng hindi pagkakaunawaan para marinig ang daing ng mga nagugutom.